Hindi ko alam...siguro dahil tinatamad akong umuwi sa bahay at bumalik ulit maya-maya. Hindi naman kasi ako nagdo-dorm katulad ng iba na nakakapagpahinga kahit sandaling oras.
Isa pa ay nasanay na din ako ng ganito. Pagkatapos ng klase ko sa Hum1, pumupunta na ako dito. Minsan ay kasama ko ang kaklase ko, minsan hindi.
Miyerkules na naman. Walang break ang mga klase ko kundi ito lang. Pagkatapos ng Math17, takbo naman sa PhyScie Building para sa apat na oras ng IT1.
Bakit nga ba IT1 ang kinuha ko? Siyempre, dahil Computer Science ang kurso ko, naisip kong makaktulong ito. At kahit papaano naman ay may silbi.
Hindi ko siya naabutan...maaga siguro silang umawas...
“Uy! Nakatulala ka dyan!” tawag ng kaibigan ko. Napansin siguro niya na nakatulala ako sa libro na dapat ay inaaral ko.
“'no nangyayari sa'yo?”
“Wala...”sagot ko.
Heto na naman ako. Wala na naman sa sarili. Hindi alam ang gagawin Tahimik at walang kibo. Minsan tinatamad akong magsalita...katulad ngayon. Naisip ko tuloy, paano kaya kung tuluyan akong hindi makapagsalita...
“Jed!”
Ayun, si Diane, tinatawag ako.
“Waha! Nakita mo ba siya kanina?”
“hindi...”
Nakakatawa naman ang ikinikilos ko ngayon. Para akong nababaliw! Dahil siguro ito sa dami ng mga dapat kong tapusin. Hindi na ako maka-pagconcentrate.
“Sige, una na ako... pumasok na sila eh...” paalam ko kay Diane.
Ewan ko kung anong nangyari at kung papano. Ang naalala ko nalang ay ang paglabas kasama ng isang kaklase sa IT1. Anong nangyari sa Math?
Hindi ko alam...
Umaambon... sira pa naman ang payong ko...masakit na ang paa ko sa pag-akyat papuntang ikatlong palapag...at pareho kaming ng kasama ko. Sa sobrang pagod siguro ay hindi na kami nag-usap. Isa pa, wala din naman ako sa mood dumaldal ngayon.
Eto, Math na ulit...ano bang nangyari sa Lab namin kahapon? Ah...yung Programming namin na itinuloy dahil hindi natapos noong Miyerkules. Pupunta ako sa Library para maghanap ng mga makakatulong sa'kin sa Math.
Masaya ang Huwebes. Wala akong klase ng 1-4 kaya lang meron akong SocSci1 ng alas kwatro. Sayang naman, hindi pa tinuloy ang pahinga ko. Masakit pa rin ang paa ko dahil sa PE namin kanina.
Malas naman! Wala pa akong reaction paper!
Wala ang usual na kasama ko sa paghahanap ng mga libro. Noong huwebes ko pa sila huling nakita...isang linggo na pala. Hay...pati pala sila nakalimutan ko na.
Magtatampo na siguro sila sa'kin...
Pasensya na, busy ako eh...
Buti nalang malamig ang napili kong lugar dito sa library...
Teka, naisip ko, dapat may ginagawa ako ngayon dito, hindi ang pagtingin lang sa mga dumadaan at pagpansin sa kung anu-anong ingay.
Oo! Tama! Yung tula na pinapagawa sa'kin...at yung kwento...
Natatambakan na ako ng 'sangkatutak na papel...
Pero ano bang isusulat ko? Ano bang magandang nangyari sa buhay ko ngayong Freshman ako?
Wala.
Pati ba pag-iisip ko maikli na lang din? Ano ba yan... ngayon na-isip ko na, hindi pala nakakatuwa kapag “wala” lang ang maririnig mong sagot sa mahahaba mong tanong. Teka, sa dami kaya ng sinabihan ko ng maiikling salitang tulad ng “wala”, “ewan”, at “hindi”, ilan ang nagalit at nainis?
Ah, alam ko na. Isusulat ko nalang yung martes na Second long exam namin sa Math at kailangan kong magmadali papuntang Baker para sa PE...
Tama! Naaalala ko yung araw na 'yon. Nagmamadali akong nagsagot ng pagsusulit namin para hindi ma-late sa susunod na klase. At ano ang nakakainis do'n? Pagtapak ko sa labas ng building bumuhos ang kanina pa nagbabadyang ulan. Self-Defense, all-white ang damit. At umulan. Putik ang naging design ng suot ko sa sobrang lakas ng ulan. Hindi ko na kinaya dahil basa na din ang medyas ko. Tumigil ako at nagpatila sa PhyScie.
Ayan, absent na naman ako dahil sa Math!
Bloc meeting na ang susunod kaya pumunta na ako sa SU pagtila ng ulan. At pag-upo ko sa third floor, ayun. Strike two ang pagbuhos.
Madaming stranded dito. Hindi lang ako...
“Miss, gusto mong dito sa upuan umupo?” tanong ng isang lalakeng hindi ko naman kilala. Nakatingin siya sa'kin. Napansin siguro niya na sa mababang lamesa ako nakaupo.
“hindi, salamat nalang...”tugon ko.
Buti pa siya, kaya niyang makipag-usap sa mga hindi niya kakilala. At mabait siya...
Ako? Hindi ko kaya. Ni hindi nga ako makapasyal mag-isa eh! Ewan ko ba, pero kapag may kasama naman ako, hindi naman ako tahimik talaga. Lalo na kapag mga matagal ko nang kilala...
Naalaa ko tuloy sila...ang mga ka-close kong iniwanan ko ng hindi ko alam... ewan...siguro minsan dadating talaga sa buhay natin 'to...minsan kailangang magsakripisyo...
...pero...bakit?
Nakita ko ang relo sa harap ng computer habang nanonood ako ng videos at nagtatype. 10:40! Nakalimutan ko! Malapit nang mag-umpisa ang klase ko! At may quiz nga pala kami ngayon! Ano ba 'yan!
Bad trip!
No comments:
Post a Comment